top of page
Writer's pictureJudd Hendricks MAIS

Walang sinoman ang maiiwan

ni JHON IAN E. ROMUALDO l 160501150022@r3-2.deped.gov.ph


GANITO IYON. Matiyagang tinuturuan ni Gng. Mary Ann Pabalan (kanan) ang kaniyang anak na si Marlyn Pabalan (kaliwa) kung paano ang tamang pagsasagawa ng Manlamun, isang katutubong karunungan ukol sa pag-aalaga ng tanim na palay ng mga katutubong Ayta Mag-indi ng Sitio Lumibao, Buhawen, San Marcelino, Zambales, Oktubre 11. Nagpasalin-salin ang kaalamang ito at hindi tuluyang nawala. (Larawan ni Remijade Ragadio)

Tinatayang nasa 476 milyong indigenous peoples (IP) ang nakatira sa iba’t ibang bansa. Kabilang dito ang mga Ayta Mag-indi ng Sitio Lumibao, Buhawen, San Marcelino, Zambales. Mag-indi naman ang tawag sa kanilang wika.

Sa pagdiriwang ng World’s IP Day ngayong taon, naging tema ang “Karunungan ng mga Katutubong Pamayanan: Limang Daang Taon ng Pagtatanggol at Pagpapayabong, Ipagpatuloy sa Pangalawang Dekada ng Katutubong Edukasyon.

Ayon kay Gng. Rhea Joy Duhaylungsod, IPEd Coordinator, layunin ng nasabing programa na bigyang pagkilala ang natatanging karunungan, paniniwala, at pamamaraan ng pamumuhay ng mga katutubo.

“Bilang isa ring katutubo, minana pa namin ang mga kaalamang ito buhat pa sa aming mga ninuno na magpahanggang sa ngayon, patuloy pa rin naming ginagawa,” pagpapatuloy pa ni Duhaylungsod sa isang panayam.

Isa sa nabigyang pansin sa pagdiriwang ang tinatawag na pinagsama-samang karunungan ng mga katutubo.

Mas kilala ito sa tawag na Indigenous Knowledge, System and Practice (IKSP) na hanggang ngayon, ginawa at isinasabuhay pa rin ang mga ito.

Tinatawag din itong katutubong karunungan, tradisyunal na katutubong karunungan o katutubong agham ayon sa tebtebba.org.

Ipinapasa ang mga katutubong karunungan sa bawat henerasyon sa pasalitang paraan.

Sa Sitio Lumibao, isa sa ipinagmamalaking katutubong karunungan ang Yugto ng Pagsasaka ng Palay.

“Sa kabila ng modernong panahon, mas sinusunod namin ang aming kaalaman sa pagsasaka dahil subok na namin ito,” paliwanag ni Gng. Mary Ann Pabalan, isang magsasaka.

Hinihikayat naman ang mga guro ng Judd Hendricks Memorial Aeta Integrated School (JHMAIS) na isama sa mga aralin ang katutubong kaalaman sa pagkatuto ng mga mag-aaral upang hindi tuluyang mawala ang mga ito.

“Sa pag-iimprenta ng modyul, nararapat na suriin muna ang nilalaman ng mga ito. Mas mainam na gawing localize at contextualize ang mga modyul para sa pagpapaunlad ng katutubong kaalaman ng mga Ayta Mag-indi ng Sitio Lumibao,” paliwanag ni G. Rommel Paje, ulong guro ng JHMAIS.

Saad pa ni Paje, maaaring mag-imbeta ng mga miyembro ng Tribal Council o mga Culture Bearer ng Sitio upang ituro ang kanilang katutubong kaalaman.

Sa pagdiriwang ng World IP Month, tinitiyak ng JHMAIS na walang sinomang katutubong mag-aaral ang maiiwan. Laging hinihikayat ng paaralan na tangkilikin at isabuhay ang IKSP para sa sumusunod pang mga henerasyon.

0 views0 comments

Recent Posts

See All

コメント


bottom of page