ni RHEA JOY S. DUHAYLUNGSOD l rheajoy.duhaylungsod@deped.gov.ph
COVID-19 pandemic. Apektado ang lahat maging ang sektor ng edukasyon. Dahil dito, nagpatupad ang Department of Education (DepEd) ng ibat ibang paraan ng pag-aaral ng mga bata. Bilang tugon, nagpatupad ang Judd Hendricks Memorial Aeta Integrated School (JHMAIS) ng Modular Distance Learning. Isang malaking hamon kung paano malinang ang kasanayan sa pagbabasa ng mga mag-aaral.
Walang kuryente. Walang mga cellphone. Walang signal at internet connection. Paano nga ba malalaman ang marunong bumasa at mga nahihirapang magbasa?
“Napagkasunduan na dumalaw sa mga bahay ng mag-aaral na sumusunod sa ipinapatupad na health protocol,”wika ni Jinkee Pangilinan, guro ng Baitang 1.
Dala ang mga babasahin, buong galak na nagtungo at nagpabasa ang mga guro sa bahay ng bawat mag-aaral.
“Ayon sa resulta, mayroong 43 na mag-aaral ang nahihirapang magbasa Sampu dito ang itinuturing na talagang hindi makabasa. ,” saad ni Pangilinan.
Walang inaksayang panahon. Nagpulong at naghain ang bawat isa ng suliraning natuklasan at maaaring maging solusyon. Dito nabuo ang konseptong #ReadingNeverStops.
Napapanahon dahil kahit na may pandemya, patuloy dapat ang pagkatuto at paglinang ng mga kasanayan sa pagbabasa.
“Sinimulan sa paglilimbag ng mga babasahin – Marungko Approach, Claveria Technique, reading booklets, mga tsart, Strategic Intervention Materials, at flash cards,” saad ni Maricel Cabalar, guro ng Kindergarten.
Sa wakas tapos na! Maaari nang ipamahagi ang mga ito. Lahat ay binigyan – marunong magbasa man o hindi. Sa kanilang tahanan, gabay nila ng kanilang mga magulang at mga nakatatandang kapatid na marunong magbasa.
“Gusto kong mapabuti pa ang kasanayan ko sa pagbabasa. Babasahin ko ang mga ito palagi,” saad ni Juby Taring ng Baitang 4.
Upang malaman ang pag-unlad ng mga mag-aaral sa pagbabasa, mahigpit na sinusubaybayan ito ng mga guro.
“Dalawang beses kada linggo, nagbabahay-bahay kami upang maturuan sila. Mayroon ding isinagawang palaro na pagbabaybay ng mga salitang nabasa na, ani Pangilinan.
Dagdag pa niya, isinagawa rin ang konsultasyon sa mga magulang ukol sa estado ng kanilang anak sa pagbabasa.
Nahihirapan man, buong puso at tiyagang nakiisa ang mga mag-aaral sa patnubay ng mga guro at magulang. Walang sumuko sa bawat isa.
“Mahalaga ang pagbabasa upang hindi ka lokohin ng iyong kapwa. Magiging gabay mo din ang pagbabasa sa araw-araw mong pamumuhay,” saad ni G. Renato Taring, isang magulang.
Hindi hadlang ang pandemya upang maisakatuparan ang layunin na matutong magbasa ang mga mag-aaral. Ngunit hindi ito sapat upang magabayan sila ng husto. May pandemya man, dapat #LearningNeverStops at kailanman #ReadingNever Stops.
Commentaires