top of page
Writer's pictureJudd Hendricks MAIS

Halinang matuto sa tulong ng Project ODIMEL

ni ALBERT C. BALARIO l 160501150016@r3-2.deped.gov.ph


ANONG SAGOT? Seryosong sinasagutan ng magpinsang Roy Dela Cruz (kaliwa) at Ronron Alvaro (kanan) ang interactive module sa Filipino sa kanilang tablet. Hindi na kailangang isulat sa papel ang mga sagot dahil pwede itong i-encode. (Larawan ni Albert Balario)

Nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) noong nakaraang taon dahil sa paglaganap ng corona virus, naapektuhan nang malubha ang pamumuhay ng bawat tao. Hindi rin nakaligtas ang sektor ng edukasyon at ipinagbawal ang face-to-face classes.

Bilang tugon, ipinatupad ng Department of Education (DepEd) and distance learning upang kahit sa panahon ng pandemya, patuloy pa rin ang pagkatuto ng mga mag-aaral.

Walang kuryente. Walang mga gadget. Walang koneksyon ng internet. Ito ang mga dahilan kung bakit pinili ng pamunuan ng Judd Hendricks Memorial Aeta Integrated School (JHMAIS) - Elementary Unit ang mga printed na modyul bilang paraan ng pagkatuto.

Sa pagpapatupad nito, maraming mga magulang at mag-aaral ang pagsagot sa mga modyul dahil hindi nila maintindihan kung ano ang nilalaman ng mga ito. Karamihan kasi sa mga magulang, hindi nakapag-aral.

Sa pagbubukas ng kasalukuyang taong panuruan, tumanggap ang JHMAIS ng 36 na tablet at 36 na on the go (OTG) adapter. Bagamat palaisipan kung paano gamitin ang mga ito, nag-isip ng paraan ang ulong guro at mga guro upang maging kapaki-pakinabang ang mga ito.

Sa pagbubukas ng klase, ipinatupad ang Project Offline Digital and Interactive Modules to Enhance Learning (ODIMEL) gamit ang mga natanggap na tablet at OTG bilang isa pang paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral.

Ayon kay G. Rommel Paje, ulong guro, higit na maiintindihan ng mga mag-aaral ang kanilang mga aralin dahil sa proyektong ito.

“Upang magamit natin ang tablet sa pag-aaral ng mga bata, maaaring i-download ng mga guro ang mga episode sa DepEd Television tungkol sa aralin ng mga mag-aaral. Ito ang magiging gabay nila sa pagsagot sa kanilang modyul,” saad ni Paje.

Aniya pa, maaari ring gumawa ng sariling video ang mga guro habang itinuturo ang mga aralin at ilagay ito sa mga tablet at OTG.

Matrabaho subalit mas madali. Ito naman ang sabi ni G. Jemson Ferido, guro ng Baitang 5, na gumagamit ng mga episode ng DepEd TV.

“Batay sa mga puna ng mga magulang, mas mainam ang paggamit ng tablet kaysa sa purong printed na modyul. Naipaliliwanag nang maayos ang mga aralin. At kung hindi man agad maintindihan, maaari itong balikan,” dagdag pa niya.

Hindi lamang mga episode sa DepEd TV ang maaaring mapanood at mapag-aralan ng mga JHMAISian. Maaari rin silang gabayan ng mga video tungkol sa pagbabasa ng English at Filipino at pagbibilang.

“Wala man ang aming guro, mayroon namang mga video ng tamang pagbasa ng mga salita at pangungusap. Para na din kaming tinuturuan. Pwede pa naming ulit-Ulitin,” wika ni Kevin Dela Cruz, mag-aaral ng Baitang 5.

Hinihikayat din ang mga guro na gumawa ng mga interactive na modyul kapalit ng mga printed na modyul.

“Mas mainam ang interactive modyul. Hindi na kailangan pang magsulat ng sagot ang mga mag-aaral. I-screen shot na lang ang kanilang mga iskor kasi kusa na siyang nagwawasto sa mga pagsasanay,” paliwanag ni Ferido.

Sa kasalukuyan, piling mga mag-aaral mula Baitang 4 hanggang Baitang 6 at mga mag-aaral ng Kindergarten ang gumagamit ng tablet.

“Bagamat walang tablet ang Baitang 1, mayroon namang OTG. Maaaring i-download ang mga video ng Baitang 1 at ilagay sa OTG,” wika ni Bb. Jinkee Pangilinan, guro ng Baitang 1.

Dagdag pa niya, binigyan ng OTG ang mag-aaral ng Baitang 1 na may kapatid sa Baitang 4 hanggang Baitang 6 na binigyan naman ng tablet upang masigurado na mapapanood ang mga video na nasa OTG.

“Pinakiusapan ko ang mga magulang ng mga ito upang makigamit ng tablet. Paraan din ito para hindi magkaroon ng inggit sa bawat isa,” ani Pangilinan.

Ganun din ang ginawa ng mga ibang baitang. Pinahintulutan ang paghihiram ng tablet kung magkakapatid naman.

“Tatlo ang anak kong nag-aaral sa elementarya. Iyong tablet ng kanilang kuya na nasa Baitang 5, ginagamit din ng kanilang kapatid. Ayaw kong magkaroon sila ng away,” saad ni Gng. Nancy De Guzman, isang magulang.

Umaasa naman ang kaguruan ng JHMAIS na madadagdagan pa ang mga ipinagkaloob na tablet habang ipinapatupad ang distance learning.

“Hindi naman masamang isipin na maaaring madagdagan ang mga tablet. Malay natin, ngayong taon. Para na rin sa ikabubuti ito ng mga mag-aaral, magulang, at mga guro,” saad ni Paje.

Hindi man ito tulad ng face-to-face na klase, malaking tulong pa rin ang Project ODIMEL sa pagkatuto ng mga mag-aaral habang may pandemya.

1 view0 comments

Recent Posts

See All

Sa likod ng mga lathalain

ni REMALYN R. SANTIAGO l 160501140005@r3-2.deped.gov.ph Sa panahong nag-aaral siya ng elementarya sa Judd Hendricks Memorial Aeta...

Comments


bottom of page