ni MOHAIMEN SOLER l 160501160004@r3-2.deped.gov.ph
MALINIS NA! Sa gabay ng kaniyang mga magulang, ipinakita ni Juby Soler ng Baitang 5 ang tamang paghuhugas ng mga kamay gamit ang malinis na tubig at anti-bacterial soap sa kanilang bahay, Oktubre 15. Ito ang paraan ni Juby para maiiwasan ang corona virus. Bahagi ito ng pagdiriwang ng 2021 Global Handwashing Day. (Larawan ni Mohaimen Soler)
Upang mas lalo pang madagdagan ang kanilang kaalaman sa pag-iwas sa mga sakit na dulot ng bacteria at virus sa pamamagitan ng tamang paghuhugas ng mga kamay, masayang nakiisa ang pamilya ng Judd Hendricks Memorial Aeta Integrated School (JHMAIS)-Elementary Unit katuwang ang Department of Health (DOH) sa 2021 Global Handwashing Day, Oktubre 15.
May temang Malinis na Kamay para sa Kinabukasan ng Bayan, malaki ang maitutulong ng mga kabataan pagdating sa kalinisan at kalusugan ang tamang paghuhugas ng kamay.
“Simpleng paraan lamang ito ngunit malaking epekto lalo na sa panahon natin ngayon na may COVID-19,” saad niya.
Bago ang aktibidad, Oktubre 14, namahagi ng mga pamphlet ang grupo ni G. Jo-Ann Ginez, koordineytor, sa mga magulang upang maging gabay ng mga JHMAISians sa wastong paghuhugas ng mga kamay.
Noong Oktubre 15, isinagawa ang Handwashing Day sa kani-kanilang mga tahanan gabay ang mga magulang.
“Mahalaga ang sumunod sa wastong paghuhugas ng mga kamay upang masiguro na matatanggal ang bacteria at virus,” wika ni Ginez.
Binigyang diin din ni Ginez na kailangang Gumamit nang malinis na tubig at anti-bacterial soap sa paghuhugas ng mga kamay.
Dagdag pa niya, gawing bisyo ang paghuhugas ng mga kamay tulad ng paliligo, sapat na tulog, tamang pagkain, at wastong ehersisyo ng katawan at isipan.
“Sa nasabing aktibidad, nalaman ko na mali pala ang paraan ko ng paghuhugas ng mga kamay. Ngayon, alam ko na at gusto kong ibahagi ito sa aking mga kapatid,” wika ni Aron Balinton, mag-aaral ng Baitang 6 sa isang panayam.
“Bilang magulang, lagi kong itinuturo ang tamang paraan ng paghuhugas ng mga kamay dahil maaaring maapektuhan ang kanilang kinabukasan,” wika ni Gng. Maribel Soler sa isang panayam ng Ang Kalikasan.
Aniya pa, pinakamabisang panlaban nila sa COVID-19 ang tamang paghuhugas ng kamay.
Taon-taon, isinasagawa ang Global Handwashing Day upang magkaroon ng kamalayan ang mga tao sa mabuting epekto ng wastong paghuhugas ng mga kamay gamit ang malinis na tubig at anti- bacterial soap.
Comments