ni JUBY S. SOLER l 160501160013@r3-2.deped.gov.ph
MAGBASA TAYO! Matiyagang tinuturuan ni Yvette Linggay (kanan) ang anak na si Vaness Keen (kaliwa) nang tamang tunog ng mga letra gamit ang video sa tablet. Kabilang sa Project ODIMEL si Vaness Keen na naglalayong maintindihan nang maayos ang kaniyang mga aralin. (Larawan ni Rochelle Romualdo)
Upang mas lalong maintindihan ang mga aralin, inilunsad ng Judd Hendricks Memorial Aeta Integrated School (JHMAIS)- Elementary Unit ang Project Offline Digital and Interactive Modules to Enhance Learning (ODIMEL) ngayong taon bilang tugon sa programang Sulong EduKalidad ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay G. Rommel Paje, ulong guro ng JHMAS, inilunsad and nasabing proyekto para sa kabutihan ng mga guro, mag-aaral at kanilang mga magulang.
“Marami kaming natatanggap na reklamo na hindi maintindihan ng mga mag-aaral ang mga aralin dahil walang gumagabay sa kanila. Hindi kasi nakapag-aral ang kanilang mga magulang,” paliwanag ni Paje.
Dagdag pa ni Paje, mababawasan din ang oras at kalbaryo ng mga guro sa pag-iimprenta ng mga modyul.
Sa proyektong ito, bibigyan ng tablet at on the go adapter ang mga piling JHMAISians upang doon Ilagay ang digital offline modules.
Ayon naman kay Gng. Maricel Cabalar, guro ng Kindergarten, mas mas mainam ito dahil maaari nang mapanood ang mga aralin sa pamamagitan ng DepEd TV.
“Kailangan lang na i-download ang mga episode at ilagay sa kanilang mga tablet. Mas maiintindihan nila ang kanilang aralin kahit hindi sila kayang gabayan ng kanilang mga magulang,” dagdag pa ni Cabalar.
Paraan din ang proyekto upang gawing interaktibo ang mga modyul ayon kay G. Jemson Ferido, guro ng Ikalimang Baitang.
“Mas magiging aktibo ang mga bata kapag interaktibo ang aralin. Dapat mayroon silang pinapanood at nilalaro sa tablet na may kinalaman sa aralin,” tugon ni Ferido.
Bilang magulang, malaki ang naitulong ng proyekto sa kaniyang anak sa pagsagot sa aralin ayon kay Gng. Maricel Soler.
“Laging nagrereklamo ang aking anak dahil pagod na daw siyang magsulat at hindi naiintidinhan ang aralin lalo na sa Math. Kaya malaking tulong ito upang mapadali ang kaniyang pag-aaral,” tugon pa nito.
Para naman kay Kevin Dela Cruz, mag-aaral ng Ikalimang Baitang, mas madali na siyang natututo sa pagbabasa dahil sa mga reading video.
“Kahit hindi ako pumapasok sa paaralan, parang may nagtuturo pa rin sa aking magbasa,” dagdag pa niya.
Inilunsad ang proyekto matapos makatanggap ang JHMAIS ng 36 tablet at 36 OTG mula sa Schools Division of Zambales at Pamahalaang Panlalawigan ng Zambales.
Comments