ni JUBY S. SOLER l 160501160013@r3-2.deped.gov.ph
Sa isang malayo at tahimik na lugar ng Baranggay Di-Kalayuan, nakatira ang batang si Gali. Siya ay mag-aaral ng Kinder sa Mababang Paaralan ng Di-Kalayuan.
Sa paaralan, lagi na lamang siyang napupunta ng kaniyang guro.
“Hay naku! Si Gali? Ang gala ng batang iyon. Oras ng klase, nasa labas. Nauuna pa nga sa aking umuwi lalo na tuwing hapon,” ang naiinis na wika ng isang guro.
Sa loob ng silid-aralan, bihirang makita si Gali subalit masipag siyang pumasok.
Minsan, nasa labas lang siya ng silid-aralan ng Baitang 4. Akala mo principal na nakatayo.
Minsan naman, nasa palaruan o kaya nasa tabing bakod ng paaralan na nakaupo lang at naglalaro ng holen.
Isang araw, “Gali...? Gali...?” ang malakas na tawag sa kaniya ni Gng. Mariacel Cavilar, ang kaniyang guro.
“Bakit po, Titser?” ang sumbat niya.
“Hay naku! Halika na dito. Ikaw na lang ang wala,” sagot ni Gng. Cavilar.
Kumaripas ng takbo si Gali papasok sa kanilang silid-aralan. Umupo siya at kunwaring nakikinig sa itinuturo ng guro.
“Gali, halika rito. Pakisulat nga sa pisara ang malaking letra na M,” utos sa kaniya ni Gng. Cavilar.
Agad tumayo si Gali at naguha ng yeso. Akala ng lahat na alam niya ang kaniyang gagawin dahil sa tumayo siya agad.
Sa harap ng pisara, ilang minuto siyang nakatayo lamang. Iyon pala, hindi alam ni Gali na isulat ang sinasabi ng guro.
“Gali, alam mo ba kung ano ang gagawin mo? Alam mo ba kung paano isulat ang letrang M?” tanong ng guro.
“Hindi po, Titser,” sagot ni Gali na nakayuko ang kaniyang ulo.
“Gali, bakit sa tingin mo, hindi mo alam isulat ang letrang M? O sige pala, isulat mo na lamang ang bilang na isa,” hirit ng guro.
“Hindi ko rin po alam, Titser,” sagot ni Gali.
“Alam mo ba Gali, dahil sa kagagala mo, marami kang hindi natutunan sa klase? Marami kang napapalipas na kaalaman. Sa tingin mo, ano ang mabuting gawin?” tanong ng guro.
“Pumasok po sa oras ng klase, Titser. Makinig at mag-aral po nang mabuti,” ang sagot ni Gali.
“Tama! O, nais mo bang matutunan ang mga letra at bilang?” tanong muli ng guro.
“Opo, Titser,” sagot ni Gali.
Makallipas ang isang linggo, malaki ang nagbago sa ugali ni Gali. Lagi ng nasa loob ng silid-aralan ang noon na pagala-gala na Gali. Higit sa lahat, naging kapuri-puri ang dating kapuna-punang bata.
Comments