ni MANUEL B. FABROS l 160501160003@r3-2.deped.gov.ph
Pumapasok sa paaralan ang mga mag-aaral dahil gusto nilang matuto ng mga kaalaman at kasanayan na magagamit nila sa hinaharap. Para sa kabutihan ng mga bata ang edukasyon upang makamit ang anumang landas na gusto nilang tahakin.
Ang akala ng iba, nakatuon ang edukasyon sa pagsusulit, takdang- aralin, proyekto, recitation, paggawa ng mga report, at iba pa.
Ang katotohanan niyan, nakatuon ito sa mga kaalaman at kasanayang natutunan upang makaagapay sa pamumuhay dito sa mundo.
Sa panahong ito ng pandemya, sinasabing mahirap matuto ang mga bata lalo na kung pinili ang printed modules na pagkatuto.
Tandaan na mas mahalaga ang kung paano matuto kaysa sa kung ano ang natutunan.
Kung alam mo kung paano ka natuto, magagamit mo ang kasanayang ito anuman ang problemang dumating tulad ng pandemya.
May natutunan ka man, maaari mo itong makalimutan. Ngunit, hindi mo makakalimutan ang paraan kung paano mo natutunan ang isang bagay.
Makatutulong ang pagkakaroon nang magandang saloobin sa pag-aaral hindi lamang upang maging mataas ang iyong grado, kundi matututunan mo ang pagkakaroon ng disiplina.
Bagamat mahirap mag-aral gamit ang modyul, maraming paraan upang matuto ka. Alalahanin na hindi lamang sa mga aralin sa paaralan natututo ang isang bata kundi sa kaniyang mga karanasan at gawain.
Sa pagbubukas ng taong panuruang ito, maging positibo ka sa iyong pag-aaral. Wala sa modyul ang iyong pagkatuto kundi nasa paraan mo ito.
Comments