ni JUBY S. SOLER l 160501160013@r3-2.deped.gov.ph
Hindi madali ang daan patungo sa tugatog ng tagumpay at hindi rin madali kapag naroon ka na.
Matagal ng panahon ng sakripisyo at pagsisipag ang kinailangan upang mapanatili ng Judd Hendricks Memorial Aeta Integrated School (JHMAIS) - Elementary Unit ang tuktok ng tagumpay.
Maraming paghihirap ang tiniis upang patuloy na tahakin ang mahabang landas ng pangarap.
At ngayong may pandemya, mas mahirap ang naging sitwasyon ng JHMAIS lalo na ng mga mag-aaral, magulang, at guro.
Upang maging mahusay na paaralan, kailangan ng suporta at pagtutulungan ng mga guro, magulang, at mga lider ng pamayanan.
Sa patuloy na magandang samahang ito, muling nagtagumpay ang paaralan sa kaniyang adhikaing na maipaabot ang serbisyong edukasyon sa mga mag-aaral.
Sa pagpasok pa lang ng Agosto, legal na ang pagbubukas ng Junior High School (JHS) sa JHMAS. Sa bisa ng atas ng DepEd Regional Office III, pinahihintulutan na nito ang pagbubukas ng Grade 7 hanggang Grade 10.
Tumanggap din mula sa DepEd Schools Division Office (SDO) ng Zambales ng nasa 36 na tablet at mga on the go (OTG) adapter na dahilan ng paglulunsad ng Project Offline Digital and Interactive Modules to Enhance Learning (ODIMEL).
Mayroon ding naghandog ng mga tulong sa mga mag-aaral na lubhang naapektuhan ng pandemya tulad ng mga gamit sa pag-aaral at pagkain.
Hindi nagtatapos ang tagumpay na ito sa mga natanggap na tulong. Ang katotohanan, simula pa lang ito.
Kaya tinatawagan ang lahat. Walang panahon upang magpakasaya nang husto. May pandemya man o wala, kailangang magpatuloy sa pagtahak sa mga pangarap.
Comments