ni ROMMEL C. PAJE l rommel.paje@deped.gov.ph
Natupad na ang matagal na kahilingan ngmga magulang at residente ng Sitio Lumibao, Buhawen, San Marcelino, Zambales na magkaroon ng Junior High School dito sa Sitio.
Simula Agosto ngayong taon, ganap ng pinayagan ng DepEd Regional Office III ang pagbubukas ng JHS at tatawagin na itong Judd Hendricks Memorial Aeta Integrated School (JHMAIS).
Sa panayam sa mga magulang, mas mainam ang magkaroon ng JHS sa Sitio sa dahilang napakalayo ng hayskul mula sa Sitio. Kailangan pang magbangka upang makapasok lamang.
Isa ring dahilan ang panganib na dulot ng pagtawid sa Lawa ng Mapanuepe kung pagpasok ang mga estudyante lalo na kung may bagyo.
Ngayong lubos ng pinayagan ang pagbubukas ng JHS sa Lumibao, wala ng dahilan upang hindi magpatuloy ng pag-aaral.
Gumagawa ang JHMAIS ng mga paraan upang hikayatin na muling bumalik sa pag-aaral ang mga estudyante ng hayskul na huminto.
Tumutulong din ang mga miyembro ng Tribal Council upang makabalik sa pag-aaral ang mga batang ito kahit may mga asawa na.
Ayon sa datos ng Basic Education Information System, nasa kabuuang 58 na mga bata ang nag-aaral ng JHS.
Itinuturing na mataas ito at lagpas sa inaasahang dahil isang maliit lamang na pamayanan ang Sitio.
Tinupad ng paaralan ang hiling ng mga magulang na buksan ang JHS alang-alang sa kapakanan at kaligtasan ng mga estudyante.
Sa pagkakataong ito, hinihiling naman ng paaralan na gawin ang iyong bahagi upang mas marami pang nakapagtapos ng elementarya ang makapag-aral ng hayskul.
Tumulong ang bawat isa na ipamahagi ang mga impormasyon sa ibang tao dito sa Sitio ukol sa pagbubukas ng JHS.
Comments