ni REMALYN R. SANTIAGO l 160501140005@r3-2.deped.gov.ph
Sa panahong nag-aaral siya ng elementarya sa Judd Hendricks Memorial Aeta School (JHMAS), isa siya sa itinuturing na mahusay sa larangan ng pagsulat.
Taong 2011 - 2013 ng maging Punong Patnugot at Patnugot sa Lathalain si Ana Pabalan o mas kilala sa tawag na Rosita.
“Si G. Efraim Aquino ang humikayat sa akin noon na maging campus journalist. Mahirap kasi wala akong ideya kung paano ba maging isang campus journalist,” saad ni Pabalan.
Upang magkaroon ng ideya binigyan ni G. Aquino si Ana ng mga halimbawa ng mga balita, lathalain, at mga editoryal.
“Binasa ko lahat ang mga iyon. Ngunit mas nagustuhan ko ang lathalain. Para kasi siyang kwento pero hindi ganoon kaselan tulad ng mga binabasa natin,” saad niya.
Ayon kay G. Jemson Ferido, Tagapayo ng Pahayagan, inirekomenda siya ni G. Aquino upang hasain ang kaniyang kakayahan sa pagsulat.
“Sa totoo lang, may talento siya sa pagsulat. Kelangan lang hasain upang makabuo siya ng sarili niyang istilo. Madali siyang matuto,” ang paliwanag ni Ferido.
Napagkasunduan na si Pabalan ang kumatawan sa JHMAS sa patimpalak sa pagsulat ng lathalain. Alanganin man, pumayag rin si Pabalan.
“Noong naroon na, ako lang ang nag-iisang Ayta. Hindi iyon naging hadlang manapa ginawa ko iyong inspirasyon,” saad ni Pabalan.
“Wala akong maisip na isulat. Ang tema kasi, Pangarap ni Juan para sa Bayan. Naalala ko ang sinabi ni Teacher Jemson na kailangan, magkaroon ako ng sariling istilo kaya ang ginawa ko, naging tauhan ang kalabaw at kabayo,” kwento pa niya.
“Walang mag-aakala na makakamit ko ang ikatlong pwesto. Malaking karangalan para sa akin at tagumpay rin ng ating pahayagan. Doon nagsimula ang istilong pabula sa pagsulat ng lathalain sa Ang Kalikasan,” dagdag pa ni Pabalan.
Comentarios