ni MANUEL B. FABROS l 160501160003@r3-2.deped.gov.ph
Kain dito, kain doon. Laro dito, laro doon. Ito ang hilig gawin ni Dimas, isang batang nakatira sa Sitio Lumbao at nag-aaral sa Mababang Paaralan ng Jumas.
Mabait, masipag, at masunurin. Iyan ang batang si Dimas. Ngunit mayroon siyang ayaw na ayaw at kinaiinisang gawin, ang palagiang paghuhugas ng mga kamay.
Sa paaralan, kabilang si Dimas sa mga benepisyaryo ng Feeding Program. Hindi kasi normal ang kanyang timbang sa kaniyang taas. Magaling naman siyang kumain.
Oras na ng pagkain. Tinawag na ang lahat ng benepisyaryo. Isa-isang pumila ang mga bata sa handwashing area upang maghugas ng kamay sa pangunguna ni Bb. Jinki Antiado, ang guro nila sa Health.
Ngunit si Dimas, deritsong nagpunta kay Bb. Marcel Cabiar upang kumuha ng pagkain. Takam na takam si Dimas s nakitang pagkain, paborito niya ang ginisang munggo na may dahon ng ampalaya, talinum at daing.
“Teka, Dimas, naghugas ka ba ng mga kamay mo?” tanong ni Bb. Cabiar.
Hindi sumagot si Dimas. Kinuha ang pagkain at dali-daling umalis.
Nakita siya ni Kulas, ang kaniyang kaibigan at kaklase.
“O, Dimas, hindi kana naman naghugas. Grabe iyang kamay mo, sobrang dumi. Hindi mo ba alam na maaari kang magkasakit dahil sa hindi mo paghuhugas ng kamay,” ani Kulas.
Hindi siya pinansin ni Dimas. Kumain pa rin siya. Hindi siya Gumamit ng kutsara. Nagkamay siyang kumakain munggo at kanin.
Kinagabihan, hindi mapakali sa higaan si Dimas. Masakit ang kaniyang tiyan.
Dinala si Dimas sa klinika ni Dr. Omar Pumalas. Siniyasat niya si Dimas. Makalipas ang isang oras nalaman na nila ang resulta.
“Aling Marites, may malubhang pagtatae si Dimas. Kailangan niyang magpagaling bago pumasok sa paaralan. wika ng doktor.
“Naku, Dok! Hindi kasi naghuhugas ng kamay si Dimas lalo na bago kumain. Ayan tuloy,” sabi ni Aling Marites.
“Kaya pala. Dapat Dimas, ugaliin mong maghugas ng mga kamay. Kasi, kapag marumi ang kamay mong kakain, maaaring makain mo rin ang mga mikrobyo na magiging dahilan ng iyong pagkakasakit ,” wika ng Doktor.
Dalawang linggo na hindi nakapasok sa paaralan si Dimas. Dahil sa nangyari sa kaniya, natutunan niya ang tamang paghuhugas ng mga kamay gamit ang malinis na tubig at ng germicidal soap lalo na tuwing bago kumain at pagkatapos maglaro.
Simula noon, lagi nang naghuhugas ng kamay si Dimas. Katuwang na siya nina Bb. Antiado at G. Cabiar sa pagtuturo ng tamang paghuhugas ng mga kamay sa mga kapwa niya mag-aaral.
コメント