ni MOHAIMEN P. SOLER l 160501160004@r3-2.deped.gov.ph
Maala-ala mo kaya? Ang sumpa mo sa akin. Na ang pag-ibig mo ay sadyang di magmamaliw.
Ito ang sikat na titik ng awit na Maala-ala mo Kaya ni Constancio De Guzman.
Masarap alalahanin noong may face-to-face classes pa ang mga karanasang hindi malilimutan na nagbigay kulay sa pag-aaral natin sa JHMAIS.
Ngunit kung ikaw ang tatanungin, naaalala mo pa ba?
Maalala mo pa kaya noong nasa Kinder ka, ayaw mong pauwiin ang iyong Indo? Gusto mo kasing kasama siya hanggang matapos ang klase. Kapag umalis siya, nagpapalahaw ka sa iyak, di ba? Lumulobo na nga ang sipon mo. Eh ngayong modyul na ang pag-aaral, bakit ayaw mo na siyang kasama?
Maalaala mo kaya na noong Grade 1 ka, tinanong ka ni Titser kung alam mo iyong tinatawag na utak. Ang sagot mo, naiwan mo sa bahay. Kinabukasan, sinabi mo sa iyong guro na dala mo na ito. At ngayong pandemya, tiyak na nakalimutan mo ito sa inyong silid-aralan dahil gusto mo nang pumasok.
Naaalala mo pa ba noong Grade 2 ka, ginagawa mong pulbo ang tsok para pumuti ang mukha mo? Nagagalit na nga ang guro mo, dahil laging ubos ang tsok. Ngunit ngayon, ano kaya ang ginagamit mo, tunay na pulbo na ba?
At maalala mo na kung may eroplanong dadaan, lalabas ka kahit nagkaklase kayo upang kawayan ito. Wala ka ngang pakialam kung madapa ka. At tiyak kahit ngayon, ginagawa mo pa rin ito.
Marami pa tayong karanasan na mahirap limutin. Ngunit madadagdagan ang mga ito kapag bumalik na tayo sa normal.
Comments