ni JEMSON L. FERIDO l jemson.ferido001@deped.gov.ph
Upang makapagbigay ng impormasyon ukol sa mga plano ng Judd Hendricks Memorial Aeta Integrated School (JHMAIS) - Elementary Unit ngayong pandemya, inilahad ni G. Rommel C. Paje, ulong guro, ang Basid Education - Learning Continuity Operational Plan (BE-LCOP) sa harap ng mga kasapi ng Barangay Council ng Buhawen, San Marcelino, Zambales noong Agosto 16.
Ayon kay Paje, naglalaman ng konkretong plano ang BE-LCOP upang maipagpatuloy ang edukasyon sa panahon ng pandemya.
“Kailangan pa ring makapagbigay tayo ng de-kalidad na edukasyon sa mga JHMAISian sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan ng pagkatuto,” dagdag pa niya.
Binigyang diin din niya na layon ng BE-LCOP na masiguradong tama ang paggastos ng pondo ng paaralan at mapagtibay ang ugnayan ng aaralan sa mga magulang at pamayanan.
Ayon sa plano, ipatutupad sa taong ito ang Project Offline Digital and Interactive Modules to Enhance Learning na naglalayong gamitin ang mga tablet at on the go (OTG) adapter sa pag-aaral ng mga bata sa pamamagitan ng pagdownload ng mga DepEd TV video.
“Noong nakaraang taon, nauubos ang oras ng mga guro sa pag-iimprenta ng modules. Ngunit dahil may tablet at OTG, mababawasan na ito,” saad ni Paje.
Matapos ang paglalahad, nangako ang mga miyembro ng Barangay Council na susuportahan ang proyekto ng paaralan para sa ikabubuti ng mga JHMAISian.
Comments