ni JUBY S. SOLER l 160501160013@r3-2.deped.gov.ph
PAGKAING HANDOG. Masayang tinanggap ni Maricel Santiago, ang pagkain mula kay Sarah Joy Flores, isa sa may-ari ng Icylicious Café, Oktubre 27. Bahagi ang outreach program ng pagunita ng café sa pagdiriwang ng kanilang ikalawang anibersaryo. (Larawan ni Jemson Ferido)
Bilang paggunita sa kanilang ikalawang anibersaryo, namahagi ang mga may-ari ng Icylicious Café ng mga pakete ng pagkain sa Judd Hendricks Memorial Aeta Integrated School (JHMAIS), Oktubre 27.
Ang magkakapatid na Ruth Vera, Sarah Joy Flores, Jemima Grace Flores, at Nathaniel Flores na mga taga-San Narciso, Zambales ang nagmamay-ari ng café.
Ayon sa panayam ng Ang Kalikasan kay Bb. Remijade Ragadio, guro ng Baitang 9 at kaibigan ng magkakapatid, nagsimula ito nang malaman niyang naghahanap ng magiging benepisyaryo ng kanilang outreach program.
“Iprinisenta ko ang JHMAIS. Alam ko na nais nilang magkaroon ng isang outreach program sa mga katutubo,” dagdag niya.
Nakasanayan na ring ng grupo na magsagawa ng ganitong aktibidad kahit walang selebrasyon.
“Sa halip na gumastos kami ng mahal sa paggunita ng ikalawang anibersaryo ng cafe, mas mainam na tumulong kami sa kapwa lalo na sa mga katutubong lubhang naapektuhan ng pandemya,” paliwanag ni Bb. Sarah Joy Flores, isa sa may-ari sa panayam ng Ang Kalikasan.
Nang tanungin ang kanilang karanasan sa pagpunta sa Sitio Lumibao, ito ang pahayag ni Bb. Jemima Grace Flores.
“Hindi ko akalain na napakalayo pala. Pero sulit ang dalawang oras na byahe dahil sa ganda ng tanawin.”
Sa pagsabit ng 12:00 ng tanghali, namhagi na ng pakete ng pagkain sa mga magulang.
“Hindi pa kami nananghalian. Hindi kami nakabili ng bigas dahil wala pa kaming pambili. Malaking tulong ito na kahit papaano, makakakain kami ng tanghalian,” wika ni Gng. Emily Balario, isang magulang at may anak sa Baitang 4.
Napansin naman ng grupo ang disiplina at kaayusan ng mga magulang habang nagbabahagi ng mga pakete ng pagkain.
Samantala, nagpasalamat si G. Rommel Paje, ulong guro ng JHMAIS at pinagkalooban ng Sertipiko ng Pagkilala ang Icylicious Café.
Nangako naman ang grupo na muling babalik sa Disyembre upang magkaroong muli ng outreach program.
Bình luận