ni ALBERT C. BALARIO l 160501150016@r3-2.deped.gov.ph
Hamak ang tingin sa akin ng aking mga kapitbahay. Wala daw akong kwentang ina sa aking mga anak. Pabaya daw kasi ako sa kanila.
Alam ninyo, sabi nila, napakaganda ko daw noong kabataan ko. Sa tutuusin nga, marami ang nanliligaw sa akin. Mayroong mga Malayo, Arabo, Indiano, Tsino, Kastila, Amerikano at Hapon. Oo, iba ibang lahi ang kinabibilangan nila.
Ngunit may pangyayari na hindi ko inaasahan. Inabuso ako ng isang Kastila, Amerikano, at Hapon. Halos wala akong mukhang maiharap sa tao. Hiyang-hiya ako noon.
Sa kabila nito, nakapag-asawa ako ng Pilipino din. Napakarami naming anak. Iyong iba, nasa ibang lugar na. Doon na sila nagtatrabaho kasi dito sa atin, mahirap ang maghanap ng matinong trabaho.
Mahilig akong magtanim ng iba’t ibang mga halaman. Namana ito ng karamihan sa aking mga anak. Ngunit mayroong mga gahaman. Kinukuha nila ang mga ito kahit ipinagbabawal.
Sa mga ilog at dagat nga na malapit sa bahay namin, nakikita ko pa silang nagtatapon ng mga basura. Iyong iba, gumagamit ng dinamita sa pangingisda. Sinaway ko na sila ngunit hind ako pinakinggan.
Ganito pala ang pakiramdam na hindi ka pinakikinggan ng iyong mga anak kahit para naman sa kabutihan nila ang aking mga sinasabi. Wala daw akong pakialam kasi hindi naman daw ako ang nagpapakain sa kanila.Owwsss, talaga ba?
Siyanga pala, may bago na naman akong problema. May kaaway na naman ang aking mga anak. Iyong kapitbahay daw naming Intsik, inaangkin ang aming lupa at pangisdaan.
Marami ang nagagalit sa panganay kong anak. Bakit daw niya hinahayaan na angkinin ang aming mga pag-aari. Ang sagot niya, ayaw niya ng gulo.
Ngayon ko napagtanto na mayaman pala kami. Inaagaw ang maganda naming lugar. Sagana kami sa mga puno, prutas, gulay at mga produktong dagat. Ngunit bakit kaya mahirap pa rin kami?
Napapansin ko, may mga anak akong gahaman. Ibinubulsa nila ang aming pondo na gagamitin sa mga mahahalagang bagay na makatutulong upang maiangat ang aming buhay.
Hayyy! Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Sa palagay ko, nagkamali yata ako ng pagpapalaki sa aking mga anak kaya sinasabihan ako ng mga kapitbahay na wala akong kwentang magulang. Mahirap daw akong mahalin.
Siyanga pala, nakalimutan ko ng magpakilala. Pilipinas pala ang pangalan ko. Ang iyong INANG bansa.
Comments