top of page
Writer's pictureJudd Hendricks MAIS

Halinang magtanim sa Gulayan sa Tahanan

ni MANUEL B. FABROS l 160501160003@r3-2.deped.gov.ph


ULAM! Namitas ng sigarilyas at singkamas si Mary Joy Balario sa kaniyang Gulayan sa Tahanan para may ulam sa tanghalian. (Larawan ni Kimberly Paanan)

Hitik na sa bunga ang pananim na gulay sa bawat tahanan ng mga mag-aaral. Sa susunod na buwan maaari na ang mga itong anihin.

Dahil sa pandemya, ipinatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) na siyang dahilan ng pagsuspinde ng face-to-face classes sa buong bansa.

Bagamat may quarantine, hindi ito naging hadlang upang ipagpatuloy ang matagal nang sinimulang programa ang Gulayan sa Paaralan.

Ngunit paano ba ito gagawin gayong wala ang mga bata sa paaralan?

Bago magsimula ang taong panuruan, inilunsad ng Department of Education (DepEd) ang Gulayan sa Tahanan.

Naglalayon ang programa na malunasan ang problema sa malnutrisyon at para isulong ang pagtatanim ng gulay sa mga kabataan upang labanan ang gutom.

“Hindi madali ang ipatupad ang programa. Kailangang puntahan ang mga mag-aaral sa kani-kanilang tahanan upang ipaliwanag ang programa,” wika ni Cliffton Jayma, ang Gulayan Coordinator.

Kanila ring ipinaalam kung paano isagawa ang Gulayan sa Tahanan na gagabayan ng mga magulang ng bawat mag-aaral.

Sa kani-kanilang mga tahanan, gumawa ng pagtatamnan ang mga mag-aaral katuwang ang kanilang magulang. Tinuran sila kung paano ang tamang pagtatanim ng mga nasabing gulay at paraan ng pag-aalaga dito.

“May mga angkop na gulay sa bawat panahon. Dahil sa ganito ang klima ng ating lugar na hindi maintindihan, kailangang itanim ang mga gulay na hindi maselan,” saad ni Gng. Beth Balario, dating Pangulo ng General Parents and Teachers Association (GPTA).

Sa kanilang mga vegetable plot, nagtanim ang mga mag-aaral ng sitaw, kalabasa, talong, okra, ampalaya, patola, at kamote sa pagsubaybay ng kani-kanilang mga magulang.

Sinabi naman ni G. Rommel Paje, ulong guro ng JHMAIS, bukod sa nakakatulong sa kalusugan ang programa, makatutulong din ito sa kapaligiran.

“Iyong iba, gumagamit ng mga recycled na mga bagay tulad ng boteng plastik, lata, at mga sako na pagtatamnan ng gulay. Dahil dito, nababawasan ang itinatapong basura. Naiiwasan din ang polusyon dahil dito,” saad pa ni Paje.

May mga kinaharap na problema man, patuloy na isinasagawa ang Gulayan sa Tahanan na magtuturo sa mga mag-aaral ng kasipagan, kalinisan, disiplina, at pagmamahal sa kapaligiran.

Kaya, halinang magtanim sa ating Gulayan sa Tahanan. May pagkaing sariwa ka nang nakakuha, nakapaglilibang ka pa.

At balang araw habang pinagmamasdan mo ang iyong mga tanim na gulay, masasabi mo ng may kasiyahan ang “Anihan Na!”.

0 views0 comments

Recent Posts

See All

Comments


bottom of page