ni MANUEL B. FABROS l 160501160003@r3-2.deped.gov.ph
ANIHAN NA! Matiyagang pinitas ni Kimberly Paanan ang bunga ng kaniyang tanim na mga talong sa kanilang bakuran, Nobyembre 2. Suporta ito sa proyektong Gulayan sa Tahanan ng JHMAIS sa gabay ng mga magulang. Layunin nito na matugunan ang pagkain ng mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemya.(Larawan ni Manuel Fabros)
Inilunsad ng Judd Hendricks Memorial Aeta Integrated School (JHMAIS) - Elementary Unit ang Gulayan sa Tahanan (GST), Setyembre 13 sa layuning matugunan ang pagkain na siyang pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay G. Cliffton Jayma, GST Coordinator, nakaangkla ang programa sa isa sa mga core values ng DepEd, ang Maka-kalikasan.
Binigyang diin ni Jayma na hangad ng nasabing programa na malunasan ang problema sa malnutrisyon at maisulong ang pagtatanim at pagkain ng mga gulay sa mga kabataan.
Hinikayat niya na gamitin ang mga bakanteng lote sa bakuran ng tahanan ng mga JHMAISian.
Sa kanilang mga tahanan, nagtanim ang mga mag-aaral sa kanilang garden plots ng kamote, okra, kamatis, sitaw, papaya, ampalaya, malunggay, kalabasa, at patola.
“Nagtanim ako ng sitaw at kmote kasi madali lang itong alagaan at mamunga,” wika ni Mary Joy Balario, mag-aaral ng Baitang 4 sa isang panayam ng Ang Kalikasan.
Bukod sa gaganda ang kapaligiran, makakatulong pa sa kalikasan ang pagtatanim ayon kay G. Jemson Ferido, guro ng Baitang 5.
“Mahal ang mga paso at wala kaming pambili. Ang ginawa namin, kumuha kami ng mga plastik na bote at tinamnan namin ito ng mga gulay,” sabi ni Gng. Maribel Soler, isang magulang sa isang panayam.
Ayon naman sa kaniyang apong si Grigor Rodolfo, nakatututong siya sa kapaligiran dahil sa pagreresiklo ng mga plastik na bote at dahil dito, nababawasan ang mga basura.
Saad naman ni G, Rommel Paje, sa programang ito, matuturuan ang ating mga JHMAISian ng kahalagahan ng pagtatanim ng gulay sa kanilang sariling bakuran bukod sa tulong sa kalusugan at kabuhayan.
“Habang nasa kani-kanilang tahanan, matuturuan ng program ang mga JHMAISian ng kasipagan, tiyaga at pagkamalikhain. Ilang linggo o buwan na lamang, maaani na nila ang bunga ng kanilang tanim na gulay,” dagdag pa ni Paje.
Comments